November 2006. Umalis ang nanay ko.
Nagsimula ang pakikipagsapalaran ng mga kasama-sa-bahay(maid) sa aming buhay.
Unang kasambahay. (Nov. – Dec. 2006): 25 years old na nanggaling sa malayong baryo ng Pangasinan. Pinaulam kami ng isdang may sabaw na purong suka na hindi naming masikmura(hmmm sarap asim). Walang ginawa kundi sumagot ng sumagot sa tatay ko. May SARILING sistema at batas sa loob ng aming bahay. Fired!
Pangalawang Kasambahay. (January 2006): 17 years old. Apat na araw ang itinagal. Mabait na bata pa naman, naglalagay ng kanin at ng apple sa freezer. Plunging neckline at spaghetti strap ang wardrobe. Aba’y ayaw niyang mamalantsa dahil papangit daw ang kanyang kamay. Ayun, sinundo ng kuya.
Ikatlong Kasambahay. (Nalimutan ko na basta hanggang bago magMarch): 60 years old (oo ganun kami kadesperado!!) Napamahal na sa amin ang kaawa-awang matanda. Pinauwi na namin siya sa Pampanga dahil sa kanyang sakit na hypertension at arthritis. At isa pa, ayokong nakakakita ng senior citizen na naglalaba at namamalantsa, e parang lola ko na siya, nakakaawa na. Isang madramang pamamaalam. (hikbi)
Sa loob ng maraming maraming maraming araw, ako ang naging kasambahay. Kamusta naman yun. Pumapasok ako sa school. Ako ang nagluluto, naglalaba(nagkataon pang nasira ang lintik na washing machine na kulang nalang e ibaon ko sa init ng ulo), namamlantsa, naglilinis ng bahay, naghuhugas ng pinggan, nagsasampay, nagaayos ng kama, nagtitiklop ng natuyong sampay, nagbubugaw ng langaw(huh?) Sa kabutihang palad hindi ako nakapaglinis ng C.R. (kadir) Pumayat ang tatay ko at kapatid ko, wag ka na magtanong kung bakit dahil ako ang nagluluto. Isang beses, pinirito ko ang sayote. Nagluto ng burger steak na naglasang inihaw na talong, nagprito ng isda na hindi mo na makilalala sa karumaldumal na massacre, at nagprito ng manok na tatlong beses kong binalik sa kawali hanggang sa nasunog na dahil sa talamak na bwisit na dugo.
Ikaapat na Kasambahay (nalimutan ko na rin): 20+ years old. Isang linggo ang itinagal ng nagpaasang kasambahay.
Sa totoo lang hindi ko maintindihan kung anong trip nila, pambihira. Samantalang hindi naman kami nangangain at naninigaw ng kasambahay. Pwede naman nilang kainin ang buong ref. naming at lahat ng pangangailangan ay libre namang binibigay. Nagsimula akong mainis. Pareparehas sila. Naisip ko kung kami yung tipo ng among mga nangangain at nanggagalaiti sa galit na parang halimaw lang, siguro naman matatakot na silang umalis. Kung umasta sila parang kasuklamsuklam ang mga ugali namin.
Ikalimang Kasambahay (may short term memory talaga ako): 40+ years old Halos tatlong buwan din siyang nakatiis sa pambihirang pamilya. Ayos na sana, wala ng problema. Nagkaroon daw ng away sa lupa sa kanilang probinsya, ayun nagresign. Sayang, akala ko iba na siya sa kanila. Sabi ko na nga ba pareparehas lang sila. Mangiiwan (bitter?!).
At isang araw paggising ko nalaman ko sa isang paparazzi na nabuntis pala siya ng
kanyang mapusok na boypren. Lupeeeet. Grabe. Wala akong masabi. Intense.
Ikaanim na Kasambahay (Oct.- December): Oo may ikaanim pa. Nakaanim na kasambahay kami sa loob ng isang taon. Pusta, hindi siya magtatagal (MWAHAHAHAHA) sigurado kong di magtatagal ang batang to. 19 years old. Unang araw pa lang niya, nanghiram na siya kaagad sa akin ng cellphone. Hanggang sa dumating ang araw na nablock na ang sim ko (wha ang saya!) di ko alam kung paano niya ginawa yun, basta nakakabad trip. Isang beses inubusan niya ko ng almusal (kung bakit kasi tanghali ako gumising), pinakain ng panis na ulam ang kapatid ko, at nanunuod ng t.v. buong araw. (siya nga ang amo). Isang araw…
“(pangalan niya), nasaan na ung conditioner ko?” sabi ko.
“Wala na, ubos na kaya, ung shampoo na nga lang ang ginagamit ko eh” sagot niya.
“Nasa bahay ka lang nagcoconditioner ka pa?”
“E matigas ang buhok ko e.”
Umiinom rin siya ng shampoo. Hindi ko alam kung paano magkaroon ng ganung talent.
Sinungkit niya ang alkansya ng kapatid ko. Tiklo.
Ikapitong Kasambahay (January-January): Isang linggo. Parang nagbakasyon lang. Nakakatamad ng ikwento ang mga detalye. Aysus.
Ikawalong Kasambahay (January-January): Dalawang linggo. Parang nagpalipas oras lang din. Nagkasakit daw ang nanay. Thank you sa inyo.
Mabuhay ang mga kasambahay.
Saturday, July 5, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


No comments:
Post a Comment