ikaw ang nagturo sakin magluto, sabi mo na minsan sumasarap ang luto pag may cooking wine.
hinahanap hanap ko ang luto mo. halos lahat ng niluto ko nilagyan ko ng cooking wine, mapa adobo, mapa ginisang sayote, nilalagyan ko ng cooking wine. muntik ko na rin lagyang ang ginisang monggo, pero hindi ko nahanap ang lasang hinahanap ko.
kasi hindi lang pala yung luto mo ang hinahanap hanap ko. ang gusto ko rin kasi kasabay kang kumain sa lamesa araw-araw, habang pinaghihimay mo ko ng manok, habang pinagbabalat mo ko ng hipon, habang pinapasa mo sakin ng hindi ko alam ang kaning hindi mo na maubos, habang pinagtatanggal mo ko ng buto ng ubas, habang inaangkin mo ang paghuhugas ng mga kaldero, habang kinukwentuhan mo kami ng kung anuano,
habang nung ganado pa kong kumain.
hindi na ko masyadong magrereklamo tuwing ppaglilinisin mo ko ng bahay.
hindi na ko magaalinlangan tuwing isasama mo kong mamalengke. kahit araw araw pa, kahit araw araw mo pa kong gawing tagabitbit mo.
hindi na ko masyadong aangal kung gusto mo kong samahan sa school, kung pwede lang, lagi mo kong susunduin tapos ako naman ang manlilibre sayo ng meryenda.
hindi na ko masyadong magbubugnot. magmumukmok. tuwing hindi ko gusto ang ginagawa mo.
wala dito. wala sa post na to ang mga gusto kong sabihin sayo. pero kung makakarating man to sa kalawakan mo, sana alam mo na laging masakit ang lalamunan ko dahil sayo.
mahal kita. sobra sobra.


No comments:
Post a Comment